← v14n2, Fall 2015
Poetry · Volume 14, Number 2

Kuwento ng Pag-Ibig

Marahang nilalakad ng Babae

Ang makipot na landas ng hardin;

Nakaabang sa dulo ang mahal

Na nagbabasa ng lumang nobela.

Palaging hinihiling ang kalinawan

Kaya’t itinatala ito ng sinumang

Magsasalaysay: mahabang-

Mahabang panahon ng isang digmaan

Ang pumagitan.

Babanggitin rin na bago nagkalayo,

Iniukit ng dalawa sa kampana

Ang kanilang mga pangalan—

Sumpaan ng tapat na tipanan.

Bibigyang diin na natapos ang giyera

At hindi na nakita ang Lalaki.

Ipinagpalagay nang siya’y nasawi

At ipinagpatugtog ng Rekiyem.

Ngunit mananaig ang kutob ng Babae.

Patuloy siyang maghahagilap.

Hinding-hindi siya mabibigo.

Ito ang una nilang pagkikita,

At maaaring umusbong ang pag-uusig:

Ano ang bukod-tangi sa sandali?

Sa pagpinid ng Lalaki sa aklat,

Sa pag-upo ng Bababe,

Alikabok naming aahon

Ang tagpo na magwawakas.